Nag-abot ng tulong ang Kagawaran ng Manggagawang Mandarayuhan (Department of Migrant Workers o DMW) sa mahigit-kumulang 3,000 Overseas Filipino workers (OFWs) na naaberya nuong New Year’s Day dahil sa air system glitch na nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nagresulta sa kanselasyon ng kani-kanilang mga flight, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.
Sa Laging Handa public briefing na naganap nitong nakaraang Miyerkules, si DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac ay nagdeklara na ang ahensya ng gobyerno ay sumaklolo sa mga stranded na OFWs sa pamamagitan ng pag-rebook ng kani-kanilang flights. Maliban dito, ang ahensya ay namigay ng food packs and hotel accommodations habang ang mga pasahero ay naghihintay ng kanilang panibagong schedules.
Kinumpirma rin ni Cacdac na mula 1 Enero hanggang 4 Enero, at marahil hanggang 5-6 ng Enero, ay mayroon pa ring mga lumilipad mula sa rebooked flights, at mahigit-kumulang sa 3,000 ang kanilang naabutan ng tulong sa mga ito. Dagdag pa ng opisyal na patuloy silang nagpapadala ng mga koponan ng ahensya para alalayan ang mga naaberyang OFW, pati na rin ang pagpapa-abot sa kanilang mga amo ng dahilan ng kanselasyon ng kanilang flights at pagkaantala ng pagbabalik nila sa mga bansang kanilang pinagbabasehan, sa pamamagitan ng direktiba ni DMW Secretary Susan ‘Toots’ Ople.
Nagpasalamat rin si Cacdac sa Department of Transportation, sa management ng Manila International Airport Authority, at airline companies na tumulong sa apektadong OFWs. Dagdag pa nito, mahigit-kumulang sa 56,000 ang mga pasaherong naapektuhan ng air system glitch nuong nakaraang Linggo.