Nagpadala si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople ng high-level team sa Kuwait para suriin ang kalagayan ng pamumuhay ng mga distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) na kasalukuyang nasa isang shelter na pinapatakbo ng gobyerno ng bansa sa Gitnang Silangan. Ayon sa ulat ng Philippine Star, dumating kahapon sa Kuwait ang grupo sa pangunguna ni Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services, Hans Cacdac.
Naiulat na ipinadala ni Ople ang koponan matapos makita mismo ang kalagayan ng mga OFW na kasalukuyang naninirahan sa shelter sa pamamagitan ng virtual inspection. Napag-alaman na mahigit-kumulang sa 400 distressed OFWs ang kasalukuyang nanunuluyan sa Bahay Kalinga shelter sa Kuwait.
Nakipagpulong si Ople kay Cacdac bago ito tumulak noong Biyernes at nagbigay ng mga tagubilin upang matiyak na ang mga distressed OFW sa shelter ay mabibigyan ng kaukulang tulong at pangangalagang medikal. Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pagpapanatili ng ligtas at maayos na tirahan para sa mga distressed OFW.
“Mahalagang magkaroon ng napaka-makatao, marangal, komportable at ligtas na mga pansamantalang tirahan para sa ating mga nahihirapang OFW sa buong mundo,” ayon kay Ople.
Kasama rin sa team si Arnell Ignacio, administrator ng Overseas Workers Welfare Administration, isang ahensya ng DMW, at social welfare attaché Bernard Bonino. Ayon kay Ople, nakikipagugnayan rin ang DMW sa mga social welfare attaché ng Department of Social Welfare and Development para makipagtulungan sa pag-upgrade ng mga shelter sa ibang bansa. Ang mga shelter ay kasalukuyang pinamamahalaan ng Migrant Workers Offices, na dating Philippine Overseas Labor Offices.
Dagdag pa ni Ople na ang DMW ay naglalayon na ilipat ang mga shelter sa bago at mas malalawak na mga pasilidad na makapagbibigay ng mas komportable at ligtas na tirahan para sa mga napahamak na OFW.