Ulat ni Argie Gulariza Ergina
Nakauwi na ang may 300 Overseas Filipino Workers o OFWs sa Pilipinas lulan ng isang Special Flight nitong Biyernes ika-26 ng Nobyembre 2021 mula Kuwait International Airport Terminal 1 na may Flight Number EK860. Ito’y sa pamumuno at pakikipagtulungan ni H.E. Philippine Ambassador Mohammad Noordin Pendosina N. Lomondot at Hon. Labor Attache Nasser S. Mustafa ng Philippine Overseas Labor Office o POLO Kuwait.
Layunin ng naturang flight na mabigyan ng pagkakataon ang mga OFWs na nagnanais ng umuwi ng Pilipinas. Kabilang sa mga umuwi ang 50 katao mula sa shelter, 42 na mga empleyado ng isang Engineering at Constructing company na tapos na ang mga kontrata, mga distressed OFWs o expired na ang mga visa, ilang may mga medical cases at mga magbabakasyon lang matapos ang ilang taong hindi makauwi dahil sa Covid-19 pandemic.
Samantala, ang ating embahada ay regular na nakikipag-ugnayan sa Civil Aviation Authority of the Philippines sa tulong ni Labor Secretary Silvestre Bello III upang maaprobahan ang flight clearance sa Pilipinas na taasan ang seating capacity mula sa original 90 seats na maging 300 seats para sa mga special flights upang mabawasan din ang presyo ng ticket.
Sa ngayon ay may nasa 290 pang mga kababayan natin ang nasa shelter na patuloy na inaasikaso ang kanilang mga exit permit upang makauwi na ng Pilipinas. May apat pang special flights ang inaasahan ngayong Disyembre sa ika-8 at ika-13 at dalawa pa pagkatapos ng Pasko. Pwedeng direktang bumisita ang lahat ng gustong mag-avail ng ticket sa Dadabhai Travel Kuwait at hanapin ang kanilang Branch Manager na si Mrs. Paulita Lundang na matatagpuan sa Old Souk Salmiya.